jump to navigation

Hiros Disyembre 2, 2007

Posted by Lenggai in Coverage, Featuring: Ako!, Post-Mortem.
trackback

May kasalanan ako.

Sinabi ko na sa sarili kong hindi ko ito iba-blog pero di talaga ako matahimik eh. Post-mortem na kasi namin bukas at alam kong raratratin ako sa kagagahan ko. Siguro nagiging OA lang ako o malamang eh, nagui-guilty lang, pero kahit ilang beses kong kumbinsihin sarili ko na “Ok lang ‘yun,” hindi pa rin ako mapalagay at lalong hindi ako OK!

Sabihin na lang nating ito ang aking form of public apology.

Ilang beses nang sinasabi sa amin: No story is worth dying for. Ewan ko ba kung may saltik ang utak ko nung araw na ‘yun at naisipan ko pa ring humirit.

“Lumabas na kayo dyan! Ano ba?! Nagkakaputukan na!” Nanginginig na ‘yung boses ng Production Coordinator namin.

“Oo, sandali na lang! Papalabas na kami!” Pinauna ko na yung cameraman at assistant cameraman namin. Ang dahilan ko: Me pamilya sila, mas malaking kawalan kung sakaling me mangyari.

Ako, kumuha pa ng ilang shots sa lobby ng Manila Pen habang unti-unti itong nauubusan ng tao.

Isa pang tawag.

“Nasan ka na? Papalabas ka na?” Boss ko.

“Oo. Malapit na. Hinarangan ng sundalo yung pinto eh. Every 30 minutes daw, by tens dapat ang pagpapalabas…” Totoo naman.

Sa tabi ko, naiiyak nang nagmamakaawa ‘yung isang empleyado dun sa Magdalo na palabasin na kami. In fairview, maayos namang ipinaliwanag nung Magdalo na kaya nila kami hino-hold eh may mga sniper daw sa labas, order daw sa kanila na huwag kaming sabay-sabay na palabasin dahil baka mapahamak daw kami.

“Nandito ang crew ng RN (Reporter’s Notebook), magkakasama kami.” Hirit ko, as if magiging valid ang pananatili ko sa loob kung kasama ko sila.

“Nasaan ang crew mo?”

“Pinalabas ko na, nauna na sila!”

“At bakit hindi ka pa sumabay? Bayani?” May panlilibak na sa tono ng boses ng boss ko.

“Hinde… Na-stuck na lang talaga ako dito sa loob kasi ayaw nang magpalabas, kasama ko mga taga-RN!” Tinitingnan ko yung staff ng RN, yung SP din nila, tinatawagan na rin ng boss nila.

“Minsan gamitan mo naman ng utak! Safety first, di ba? Hindi rason na may kasama ka pa dyan sa loob!” Sa puntong iyon, ako na ang nahiya.

 “Oo na, lalabas na ako, nasa pintuan na ako.” Sa mga sandaling iyon, tahimik na sa loob ng hotel, bakas na sa mga mata ng mga kasama ko ‘yung kaba.

Maya-maya, humiwalay yung ibang cameramen sa amin… Kinunan ang mga nagkumpulang Magdalo sa me pinto ng lobby. Kinunan ‘yung sofa na ipinangharang nila sa salamin.

Parang me boses na bumubulong sa akin: Kunan mo rin yun! Di puwedeng wala kang video nun!

Parang nabato-balani akong nag-on ng mini-DV at nag-shoot sa lobby.

“Nasan ka na? Nakalabas ka na?” PC ulit namin.

“Oo, papalabas na ako!” Ingat na ingat kong binabalanse ang camera at cellphone ko.

“Hindi ka pa lumalabas! Kitang-kita ka sa TV ! Naka-live ka! Ano ba?!” Nanginig yung panning shot ko. Pakingshet! May nakatutok palang camera sa akin ngayon?!

“Oo na, sige na, lalabas na! Bawal pang lumabas sabi nung sundalo eh!” Exit frame na ako. Buking na eh. Aliw na aliw naman yung ibang mga kaopisina ko sa cameo appearance ko. Parang si Mr. Bean daw. Kung normal na araw nga lang at nangyari yun, malamang sasakyan ko pa at ipagmamalaki ‘yun. Kaso hindi.

“Ano ba? Ang tigas ng ulo mo! Nagagalit na si Ma’am!” Si Big Boss na ‘yung tinutukoy niya.

Mabilis na yung mga sumunod na pangyayari… Dinala kami sa isang maliit na kuwarto na may secret entrance. Nung una pa nga itinataboy pa ng mga empleyado ng hotel yung mga me dalang camera. Di nagtagal, pinapasok na rin kami. Parang labyrinth yung dinaanan namin papunta dun sa parang “underground” cafeteria, may gumagaralgal na TV na nakatutok sa network namin. Dun ko nakita yung sinasabi nilang live feed, nakatutok nga dun sa lobby, at sa puwesto ko sa taas, di mapagkakailang kitang-kita nga ako.

Nakababad pa rin PC namin sa telepono, naninigurado na kung anong ginagawa ko at nasaang parte na ako ng hotel. Gustuhin ko mang ma-touch sa concern nila, alam kong may kaakibat na itong sermon. Kung sinunod ko lang kasi ang unang utos nila, malamang nasa labas na ako nang mga sandaling ‘yon.

Maya-maya, itinuro na kami sa isa na namang “secret” entrance, parang maze ulit, pero mas maikli. Ilang kanto lang at nakita na rin namin ang “liwanag.” Sa exit, maraming nakatambay na mga empleyado ng hotel, mga gwardiya ‘ata. Nakapila.

Parang eksena sa pelikula, naka-roll lang yung camera naming lahat habang isa-isa kaming binubugaw palabas ng Manager ‘ata nung hotel.

“Move! Let’s go! Nobody stays! We won’t leave you guys here! Hurry up!”

Sa labas, sinalubong kami ng sangkatutak na mga sundalo at pulis. Nakakapraning! Akala ko babarilin kami. Yung isa pa nga, dinuduro-duro yung isang cameraman na kasabay naming lumabas:

“Yan ba yung bastos na matapang kanina? Asan na’ng tapang mo? Kanina ang yabang-yabang mo! tatakbo ka rin pala!”

Napayuko na lang yung cameraman. Kung hindi siguro me hawak na armalite yung pulis at me back-up na mga militar, malamang hindi nagdalawang-isip yun na pakitaan ng pangil ang epal na bwakanang…

“Nasa labas ka na?”

“Oo, ayan na, freedom! Fresh air!” Nakuha ko pang mag-punchline kahit baduy.

“Haaayyy salamat! O lumayo ka na dyan, hanapin mo na yung crew mo!” Katahimikan.

Maya-maya lang, sunud-sunod na putukan. Hindi ako magkandaugaga sa dami ng magagandang eksenang puwedeng kunan. Yung sumunod na grupo ng media na lumabas sa service entrance, lumuluha na.

Teargas daw. Hinagisan na yung loob ng hotel ng teargas.

Pakingshet! Kung tumagal-tagal pa ako ng ilang minuto, malamang isa na rin ako sa mga namamaga ang matang iniinterbyu sa radyo.

Pagdating ng gabi, nakailang text na rin ako: Kasama ka sa mga naposasan?

Hindi ko alam kung matatawa ako o maiinsulto. Ibig sabihin ba nun, pag me natiklong media, malamang sa hindi, isa ako sa mga iyon? Ganun na ba ako ka-tangaextrovert?

Pagbalik ko sa office, nakausap ko yung isang reporter namin na kasama ko sa site. Hinayang na hinayang siya dahil puwesto niya yung kinuha nung taga-kabilang channel. Kung natira raw siya, eh di sana, hindi kami na-iscoopan. Pero blessing in disguise na rin daw, kasi kung nagkataon, isa na rin siya sa mga naposasan.

Nakakawala ng poise!” Tili niya habang pinipreview yung interview niya kay Thrill-anes. Sabay tawanan.

*** Sa kabila ng pagpapakamapusokgaga ko… hindi rin umere yung segment. Bilasa na kasi. At yung ipinagmamalaki kong video, sira ang audio. Luma na raw kasi yung tape na ginamit ko. Kung sakali palang umere, wala rin akong magagamit dahil puro static ang maririnig mo.

Kanina, nakita ko yung bagong plug sa kabila. Kung nagtratrabaho ka sa istasyon nila, may mararamdaman kang sense of pride dahil ang gaganda nga naman ng videos. Ultimo yung voice over, damang-dama mo na handa silang magpakamatay, alang-alang sa ratings kanilang mga manonood. Astig pa nung visuals ng mga nakaposas… Bidang-bida. Tibak na tibak!

Atapang-atao, hindi atakbo!

Ibibigay na namin sa kanila ‘yung glory. Kakaibang tapang ng apdo nga naman ang kelangan mo para mamalagi sa loob at sumugal sakaling may ubusan ng lahing maganap sa loob nung hotel. At malaki-laking insurance din ang babayaran ng kumpanya sakaling binomba ng pamahalaan yung hotel at natuluyan lahat ng mga nasa loob.

Oh, and don’t forget the specials! Siyempre, hindi naman basta-bastang reporter ang madadamay kung sakali… Ang daming file video niyan! Tiba-tiba panigurado sa ratings ang tribute para sa mga nagbuwis ng buhay alang-alang sa istorya.

For the sake na hindi sabihing bitter kami dahil naka-iscoop sila, kino-congratulate ko (this is just me speaking for myself, not my network) sila sa mga eksklusibong video na nakuha nila. Hindi biro ang mga footage na nakuha ninyo, pang-yearender ang arrive!

At para sa mga boss namin, sa mga concerned naming mga kaopisina na nagpalabas sa aming lahat at nagligtas sa amin sa tiyak na kapahamakan… at kahihiyan… Maraming, maraming, maraming salamat din.

Kakaibang tapang ng apdo ang kailangan para sumugal sa giyera, pero kakaibang talas ng utak at lambot ng puso din ang kailangan para isantabi ang ratings at video para sa kapakanan ng inyong mga tauhan. Nung una, hindi ko pa maintindihan bakit nagagalit sila dahil handa kaming mag-harakiri para sa trabaho namin, pero nang lumaon, dahil na rin siguro sa break… Naliwanagan na rin ako sa limitasyong dapat eh inoobserbahan naming mga brodkaster. Aanhin ko nga naman yung insurance at plaque of appreciation? Dagdag mo pa yung korona, mini-mention (kung magkakaroon man) sa segment at appearance ng bossing ko sa burol… Mas marami pa akong makabuluhang istoryang puwedeng gawin kung buhay ako.

Malamang marami ang naiimpluwensyahan sa mga magagarbong tribute sa mga brodkaster na namamatay sa giyera (a la Robert Redford sa Up Close and Personal). Pero hoooyyyy, mabuhay na tayo sa real world!

May mga giyerang sadyang inuurungan. We should learn how to choose our battles.

Sabi ng boss ko, dahil sa pagka-daredevil ko, malamang, ito na raw ang huling breaking story ko. Hindi ko maiwasang malungkot. Ako pa man din yung tipo ng tao na mahilig sa action at adventure. Mamimiss ko kung sakali ang adrenalin rush.

Pero naiintindihan ko kung nagalit sila. Hindi nga naman cute ang mag-alala ka sa tao mo. Kahit pa sabihin mong ginagawa ko lang ang trabaho ko, at para sa programa rin ang ginagawa ko… Kargo de Konsensya pa rin nila ako.

Ilang oras na lang, post-mortem na namin, sasabihin ko na, sakaling matameme ako mamaya sa sobrang hiya: Maraming salamat talaga sa pag-aalala at sorry na po.

Alam kong balang araw, mababasa niyo rin ‘to.

**as it turned out, wala pala kaming post-mortem ngayon. Cancelled. Anak ng… Di ako nasabihan! So naparanoid lang ako sa wala. Pero hindi ko binabawi ang sinabi ko. At hindi ko ieedit ang entry na ‘to dahil kahit walang post-mortem, ito ang nararamdaman ko. Bihis na nga lang ako ulit. Jeeezzz…

Mga Puna»

1. kengkay - Disyembre 2, 2007

uy, damang dama ko ang iyong pag so sorry, dir brodkaster. minsan talaga hindi natin alam kung ano ang mas maganda para sa atin kungdi mo ilalagay ang sarili mo sa sapatos ng ibang tao. tanggapin ang iyong punishment dahil sigurado may ibang break na darating na para sa iyo talaga. cheer up, i am drinking a glass of red whine, eheste, wine for you. hindi madali ang magsorry at lunukin ang pride para aminin na mali ka… saludo ako sa iyo, lenggai.

Mas maganda nga sana te kung hindi ko na siya kailangang gawin at sabihin sa blog di ba? Para lang nakakagaan kapag sinulat ko at kinuwento sa iba. Hindi ako proud sa nangyari at tanggap kong mali. Hindi rin dapat tularan yung ginawa ko. Maraming salamat sa kind words te kenks.

2. Jon Cabron - Disyembre 3, 2007

sabi ko nga, isipin mo na lang na ang sermon ay parang sabaw na mainit, nakakapaso at mahirap lunukin.. pero di naman nakakamatay’
siguro wag ka na lang *_____ sa susunod.

* = kaw na bahalang maglagay ng hindi naman masyadong brutal na salita na naglalarawan sa babaeng matigas ang ulo na masarap batukan dahil ayaw magpaawat.
..sorry na’

Huwag kang mag-alala, jon, sa susunod, hindi na ako magpapaka-blond… e.😀

Again, salamat sa payo at banta… Isa kang anghel.

3. taroogs - Disyembre 3, 2007

hirap pala ng buhay reporter — damned if you do, damned if you don’t! hehehe… pag hahuli ka sa eksena at naunahan sa scoop, yari ka… pag nasa pusod ka naman ng balita (at ng panganib), yari ka pa din!🙂

Pareng Taroogs… unang-una, hindi po ako reporter, prodyuser po ako kaya di hamak na mas mahirap ang ginagawa namin sa kanila… LOL!!! Pamimilosopo aside, feeling ko, naparanoid din sila kasi tumawag na ang PNP/NCRPO sa Media, saying dapat palabasin na ang mga tao nila dahil titirahin nila kaming lahat pag nagkataon… So what our bosses chose was the “makatao” and “makapusong” way in handling the situation… M sure, may konting panghihinayang din sila sa mga “could have been shots and interviews” na pwede naming makuha kung nandun kami… Pero I’m proud na at least, sa pagkakataong ‘yun, tinuring nila kaming tao at hindi commodity… Marami pang susunod na coverages kuya, and marami pang pagkakataon para maipakita namin ang aming tunay na tapang… Malay mo, magkita pa tayo dun? Hehe.
Tantyahan lang talaga. At responsibility sa team mo at sa sarili mo.

4. lilmiz - Disyembre 3, 2007

wow ang tapang mo ate talaga haha nakakatakot naman yang trabaho nyo, kung ako yan, hihimatayan lang siguro ako sa loob hahaha.. pero tama yan, wag isugal ang buhay, balita lang yan, makakabawi ka pa sa ibang paraan .. kung mamatay ka, di ka na makakabawi, magmumulto ka na lang aheheh

Naku, minsan lang naman yung mga ganyang stories. Madalas mga hayop at inanimate objects ginagawan ko ng kuwento… LOL! Pero in fairview, natawa ako sa huli mong sinabi… Magmumulto… watta…😀

5. Ambo - Disyembre 3, 2007

wala akong masabi kundi WoW! Ang tapang mo talaga. Yan ba talaga ang dugong nanalaytay sa inyong mga brodkaster? Sabagay kung bahag ang buntot mo, di ka ubra sa kahit na anong laban. Bilib naman ako sayo, hindi lang matapang, matigas pa ang ulo hahahahaha.

wala rin akong masabi kundi WoW! nakaka-touch naman ang comment mo. Pero mali ang pinaglagyan ng tapang ko at mas umiral ang tigas ng ulo, buti kamo alang nangyari na masama. kungdi…

Salamat sa pagdaan, Ambo!😀

6. hiyashinsuna - Disyembre 4, 2007

pasaway, wala na akong aabangang blog niyan pag nagkataon, well ayun siguro pag kaPUSO, mahalaga pa din ang buhay noh, at tsaka nga ayun sa aking paniniwala, kung magpapalugi tayo, onti lang noh, and your life is too priceless para dun, di naman na uso ngayon yung kailangan moh pang mamatay para maging bayani, naman…siguro kung may sa pusa sila, kabog din sila, tsaka yaman lang din ginawa ng boss moh, kundi paano na kaming mga fans(kablogger) moh noh kung napaano ka jan, take care na lang poh palagi…=)

Salamat hya! Wak ka mag-alala… Masamang damo ako… Hehehe!!!😀

7. wei vines - Disyembre 5, 2007

astig… kakaiba!ang dami nyio na sugurong memorable experience ^^

depende sa iyong definition ng memorable…😀

salamat sa pagdaan!😀

8. icsx - Disyembre 5, 2007

hi lengs! itong post na ito ay makakatulong para malaman namin(audience) ang ‘other side of the story’. well written gurl! taray! pero alam mo, mabuti na rin itong bli-nog mong ito. hindi naman kasi sa lahat ng pagkakataon maipapaliwanag mo sa mga viewers yung ‘real score’ ng story, na-cover ba ng maayos o hindi. at least, mas na-affirm nito na madalas, magpapakamatay tlga ang ilan para sa ratings at isusugal ang buhay alang alang sa scoop. pasalamat talaga ng marami at binigyan mo ng boses yung actions ng boss niyo although indirect.

Salamat, Ice!😉


Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Palitan )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Palitan )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Palitan )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Palitan )

Connecting to %s

%d bloggers like this: