jump to navigation

Isang gabi, sa UP Fair… Pebrero 19, 2008

Posted by Lenggai in Featuring: Ako!, Good News.
trackback

Martes na ngayon pero medyo masakit pa rin ang braso ko.  Nag-wall climbing kasi kami ng mga kaopisina ko noong sabado sa UP Fair… at hulaan ninyo kung anong oras ‘yon?

Mag-a-a la una ng madaling araw.

Siyempre hindi ako ang promotor.

Unang-una, hindi naman ako gradweyt ng UP, so wala namang sentimental value ‘yang fair-fair na ‘yan. Pangalawa, hindi pa ako umuuwi ng bahay dahil kagagaling ko lang sa editing. Gusto ko sanang matulog nang medyo mahaba-haba dahil magsisimba kami ng maaga kinabukasan ng pamilya ko. Tapos dalawang araw na rin akong hindi naliligo… kahit na confident ako na wala akong baktol, amoy-anit at nagmamantika na rin ang buhok ko, ina-anticipate ko na ‘yung maligamgam na panligo ko pag-uwi.

Pero sa hinaba-haba ng mga nirason ko sa mga kaopisina ko, ang ending eh sumama rin ako sa kanila.

Lima kami. Ako ang pinakamatanda (considering na ilang araw na lang, 27 na ako), ‘yung iba, kahit ‘yung co-SP ko, hindi pa tumutuntong ng 25.

Kung ano’ng tamlay ko sa opisina, ‘yun naman ang hyper ko sa sunken garden. Sumakay kami ng tsubibo at caterpillar… mga ka-cheapan na rides na ikinakumpleto naman ng aking childhood.

Lumibot-libot kami at nagyaya pa akong magpa-henna tattoo, kaso naalala ko, apat na taon nang nakalilipas, UP Fair din, nagpantal-pantal ‘yung pina-tattoo kong sanskrit na translation ng “Bitch” sa batok ko. Bad trip talaga ‘yun kasi ang kati-kati! Either allergic ako sa henna, o paraan lang ‘yun ni Papa Jesus para iparating sa akin na ang mga ganoong salita eh hindi dapat itinatatak, kahit temporary lang, sa tinaguriang “templo” niya. Kaya matapos nun, no can do na ako sa henna.

Pagdating naman sa me puwesto ng UP Mountaineers, parang me magnet na humahatak sa akin dun sa Power UP na pader nila. Last year ko pa nabalitaan ‘yung wall climbing sa UP Fair at dahil mahilig ako sa mga first time, hindi ko na pinalagpas ang pagkakataon. Mas excited pa ako sa mga kasama ko, pero ‘yun na rin ang advantage sa age group nila: bihira ang KJ at madali silang yakagin.

At ang yabang ko pa… ‘yung kinuha pa namin eh ‘yung me naka-incline na side, ang hamon ko: minsan lang kami magwa-wall climb, dun pa sa diretso, eh kahit ‘ata isang kamay, kaya kong akyatin ‘yun… pero siyempre, akala ko lang ‘yun.

Matapos ang halos dalawang oras na pagtingala’t pamimintas sa mga hindi nakakaabot sa tuktok, tinawag na ang pangalan namin. Binigyan kami ng chalk, para makapag-iwan ng marka sakaling maabot namin ang tuktok. Dahil apat kami (yung isa kasi naka-shorts at siya ang taga-piktyur), sabi ko, tig-iisang letra kami ng initials ng programa namin. Game sila.

‘Yung naunang researcher namin, bukod sa payat, eh PE raw nila sa UP ang wall climbingso, partida na. Sa excitement, hindi na niya naisulat ‘yung unang letra ng programa namin.

Sumunod ako. Nagtanggal pa ako ng sapatos at medyas for better grip. Sa diretsong side, okay pa ako, medyo mabilis pa ‘yung akyat ko. Pagdating sa me pa-incline, nagulat na lang ako nang unti-unting nawalan ng lakas ang mga braso ko.

Punyeta! Hindi ko na alam kung saan pa susunod na tatapak!

Hindi rin nakatulong ang pangungutyang sigaw ng co-SP ko: “More rice!”

Naramdaman ko ang paghigpit ng harness sa me bewang at puwitan ko… sumabay sa pagluwag ng kapit ko sa mga mala-lalagyan ng sabong akyatan na nakausli sa pader. Hindi ako makapaniwalang iilang talampakan na lang ang layo ko sa tuktok, eh nanghina pa akong bigla.

Itinaas ko ulit ‘yung kaliwang kamay ko, kumapit ulit… at dumulas. Napigtas ‘yung maliit na tali sa harness ko sa me kanang binti.

Itinuring kong parang pagtawid sa segment ang pag-akyat ko sa lecheng pader na ‘yun. At masakit din nang mapagtanto kong hindi ko na siya matatapos ng maluwalhati.

Masama ang loob kong sumenyas sa tagahatak ng harness. At bago niya ako ibaba, nag-iwan ako ng maliit na marka sa palikong parte ng pader… kulay dilaw, manipis at nanginginig pang letrang “K.”

Pababa ako, binitawan ko na ‘yung chalk. Bakit daw hindi ko itinuloy, sabi nung me kakisigan na tagahatak ng harness, gusto ko sanang magpa-cute ng konti at sabihing: “Nandyan ka kasi eh… nanghina tuhod ko.”

Pero bukod sa nakakadiring pakinggan, sa tikas niya, me possibility na ang mga tipo niya eh ‘yung athletic na naka-shorts at hugis Coke Zero ang katawan. Puwede ko namang irason na hugis Coke din naman ako, in can nga lang. Pero hinayaan ko na.

Sumunod ang co-SP kong may karapatang mangutya sa akin dahil naabot niya ang tuktok. Siya na ang nagsulat ng initials ng programa namin. Buti na rin lang dahil ‘yung researcher din namin na huling umakyat, hanggang sa puwesto ko lang din umabot. Patawarin niyo na ako, pero me demonyong kumiliti sa akin dahil at least, me kasama akong hindi healthy sa grupo.

Pagkatapos… Naglibot ulit kami. Bumili ng fruit shake, tsinelas… hinahanap ko ‘yung isaw ng baboy na masarap daw, pero dahil alas dos na ng madaling araw, nagsara na ‘yung puwesto.

Nakinig kami ng mga banda. Pansin ko lang, karamihan sa mga nagtiyagang mag-piknik sa damuhan eh nakaitim at mukhang emo. At kahit pa mas nangunguna ako sa mga kasama kong magtatatango dun sa mga rocker bands na tibak na nasa entablado, hindi ko maiwasang makaramdam ng konting lungkot.

Lipas na ‘yung panahon na intro pa lang, kilala ko na kung sino ‘yung tumutugtog at ano ‘yung kakantahin nila. Tumatanda na nga ako. Putris! Akalain niyong ang tanging nasabayan kong kanta eh ‘yung “Salamat… at tayo’y may pinagsamahan…” ni Jet Pangan (Sori, ni hindi ko alam ang pamagat nun dahil hindi ko siya paborito!). Hinintay ko ang Up Dharma Down pero mas maaga silang kumanta.

Pasado alas-tres ng madaling araw kami umuwi. Baon ang ala-ala ng gabing nanghina ang braso ko sa wall climbing (magpapapayat ako, babalik ako run, next year, at maaabot ko na siya!), sumakay akong muli ng tsubibo at caterpillar, at nakipagrakrakan sa mga kaopisina kong first time kong nakasama sa gimikan.

Sa trabahong ito, isa na sa perks ang makakilala ka ng iba’t ibang klaseng tao… pero minsan, mas masarap palang makilala ‘yung mga taong nasa tabi-tabi mo lang.

Mga Puna»

1. paolomendoza - Pebrero 19, 2008

putris… magiging 27 na rin ako.

…and what’s wrong wit’ being 27?!

(this is me “embracing” the fact that I’m getting old and still single!)

2. Jon Cabron - Pebrero 19, 2008

kung ako ang isinama mo dyan, ipapakita ko sayo kung gaano ako kalupit sa pagwo “wall climbing” nung last na sumubok ako nyan, naiwang nakanganga ang mga tao nung habang ilang talampakan na lang ako sa may tuktok e nakuha ko pang hubarin ang sapatos ko at kunin ng kaliwang hinlalaki sa paa ko yung chalk sa bulsa ng cargo kong pantalon, iabot sa kanang kamay ko kasabay ng mayabang at mahigpit na pagkapit sa huling hawakan at makulay kong isinulat ang tulang ” o captain, my captain ” sa tuktok.. at itinusok ang maliit na banderang kanina ko pa kagat kagat, at ginawa ko yan dalawang araw pagkatapos kong makalabas sa ospital dahil sa dengue,

watta fattie.

watta fiction…

3. beer-O - Pebrero 19, 2008

“Nandyan ka kasi eh… nanghina tuhod ko.” – kaya naman pala di mo naakyat ang tuktok eh😆

wag kang mabahala kung mag-27 ka man. cool pa ring tingnan ang 27 na sumasakay sa tsubibo at caterpillar…basta’t enjoy ka lang.

why, of course! sasapakin ko ang magsasabing mukha kaming retard sa pagiging… ahm… playful? hehehe.

4. camilleeee - Pebrero 19, 2008

“…Patawarin niyo na ako, pero me demonyong kumiliti sa akin dahil at least, me kasama akong hindi healthy sa grupo…”

hehe, neks taym pag magwo-wall climbing kami isasama ko puro dambuhala😉

.. miss na miss ko na sumakay ng tsubibo tsaka caterpillar😦 (inaalipin na talaga ako ng trabaho ko. tsk!)

ahm, for the record… hindi po ako dambuhala. salamat.

at alam mo ba, ngayon ko lang nadiskubre, nakakahilo lang siya… o baka nga dahil mas malaki at mabigat na ako ngayon? basta, tumaas na ang tolerance level ko sa lula…

5. lilmiz - Pebrero 20, 2008

sumasakay din ako sa chubibo at caterpillar pag nakakapuntang UP fair! ang kaibahan lang natin ay KJ mga kasama ko, kaya ako lang mag-isa sumasakay mwahahah! kiver! basta masaya ako haha.. di ko kaya yan wall climb te, galing mo naman!😀 kahit di ka umabot haha .. di ko pa sinsubukan yan kasi pawisin kamay ko kaya for sure madudulas lang (hehe palusot).

Pareho kayo ng rason ng kaibigan ko… next year nga, pag di ulit ako umabot sa tuktok, gagamitin ko yan, kahit hindi pawisin ang kamay ko… nyahahaha!!!

6. foobarph - Pebrero 20, 2008

yoko na umattend sa mga fair!

yung mga barkada ko kasi eh… lahat ng gastos sa akin pinapaako. hayyy!

eh bat naman kasi nagpapauto ka sa mga berks mo?

ahm… puwedeng maging prend mo? tas punta tayo sa UST fair… nyahahaha!!!


Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Palitan )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Palitan )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Palitan )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Palitan )

Connecting to %s

%d bloggers like this: