jump to navigation

Para(ng)normal Experience Nobyembre 5, 2008

Posted by Lenggai in Feedback, Lipad-isip, Post-Mortem.
trackback

Noong high school ako, mahilig akong magbasa ng mga article ni Tony Perez sa Philippine Star… ‘yung tungkol sa grupo niya na “Spirit Questors.”

Hindi ko makakalimutan ‘yung isang quest nila, sa bahay ng mga Vizconde.

Nakita raw nung kanilang kasamahan na nag-replay sa harap niya ‘yung buong krimen, pati kung paano sumampa sa likod at ipinagtanggol nung bunsong babae ‘yung Ate niya sa alleged rapists niya.

Dahil sa article na ‘yun, abot-langit ang bilib ko noon sa Spirit Questors.

Dumating na nga sa puntong gusto ko nang maging isang Spirit Questor.

At bakit hindi?

Pakiramdam ko, may potensyal naman ako sa larangan ng paranormal: noong bata ako, marami akong naririnig na “kakaiba” sa bahay namin; minsan nakita ko rin ang “hunyango” ng Lola ko na pumasok ng kusina, samantalang nasa labas pala siya the whole time; magaling din akong “manghula” ng mga bagay na mangyayari pa lang; panatiko rin ako sa konsepto ng past-life at siyempre… gusto kong mabuksan ang aking third eye.

Mahilig din pala ako sa horror movies at horror stories… counted ba ‘yun?

Kung hindi lang strict ang parents ko noon, siguro wala ako sa media ngayon, malamang eh isa na akong ghostbuster.

Nagkaroon lang ako ng pagkakataong makita si Tony Perez noong nag-seminar ang grupo niya sa USTe, first year college yata ako noon.

Bad trip pa kasi hindi ko naabutan ‘yung lecture tungkol sa pagbubukas ng third eye. Ang nadatnan ko na lang eh ‘yung hulaan portion at saka ‘yung tips kung paano ka magiging “invisible” sa maraming tao (tandang-tanda ko pa ‘yung tips na ‘yun, pero hindi naman siya tumatalab lalo na kapag binebembang ako sa post-mortem namin).

Hindi siguro ipinag-aadya na makilala ko ang Spirit Questors, dahil halos isang dekada na ang nakararaan… hindi ko pa rin nami-meet si Tony Perez.

Ok lang din kasi sa trabaho ko… nakakatatlong Halloween specials na ako at nagkaroon naman ako ng pagkakataong kilalanin ang iba pang paranormal groups dito sa Maynila.

Sa dami nila, malalaman mo na rin kung kelan ka ginagago.

‘Yung tipong bawat kaluskos eh binibigyan nila ng kahulugan para lang masabing me “nakikita” sila.

Siyempre, habang nasa location kayo, nakaka-paranoid din, maniniwala ka sa kanila kasi mahirap na, eh paano kung totoo pala ang sinasabi nila?

Paranormal nga eh = walang normal na paliwanag.

One time, may kasama kaming paranormal experts na nag-require na pasanibin sa akin ‘yung demonyo (as if kailangan pa no?).

Tumawag pa ako sa boss ko para ipagpaalam kung legal ba ang gagawin namin… pucha paano kung totoo nga ‘yun at tuluyan nang lukubin ni Satanas ang seksi kong katawan?!

Pero kailangan daw talaga kasi delikado raw pumasok sa location kapag hindi “niya” naiparating ang kanyang mensahe.

Sa ngalan ng ikatatayo ng aming istorya, kinagat ko ang offer.

Siguro power of suggestion lang ang umuubra noon, pero maraming imahe ang pumapasok sa utak ko habang inoorasyunan nila ako sa loob ng van… nanonood lang ang crew ko noon (at wala silang bahid ng concern sa akin dahil mas takot sila na “mapasahan” nung kung ano mang espiritung papasok sa akin).

In the end, hindi successful ang “sanib,” masyado ko raw kasing “nilalabanan” ‘yung gustong pumasok sa akin.

Kung tutuusin, dalawang posibilidad lang naman ang tumatakbo sa utak ko nung mga panahong dinadasalan nila ako:

1. Ginugoodtime ako ng kasama naming paranormal group… at palihim silang humahagikhik habang parang mga pusang basa kami ng crew ko na nag-aabang na magbago ang aking boses at umikot ng 360 degrees ang ulo ko.

2. Totoo ngang me sasakop sa katawan ko at magro-roll ang cameraman ko para me “pruweba” sila sa nangyari, pagkatapos eh papanoorin ito sa office at isasama sa segment… tapos habambuhay na akong markado bilang “Lenggai Blair” ng opisina.

Pareho silang hindi kaaya-ayang eksena… at putris, ‘pag naaalala ko ‘yung gabing ‘yun, kinukurot ko pa rin ng paunti-unti ang sarili ko… masyado akong gullible.

At hindi ko na ulit kinuha ang grupong ‘yon nitong nakaraang Halloween special namin.

Isa silang malaking joke.

Nito namang nakaraang episode namin, walang humiling ng voluntary sanib (subukan nila!), simple lang ang naging requirement ng grupong inimbitahan namin: salamin na may 1/4 inch ang kapal.

Ang una naming location: sinasabing tapunan ng mga bangkay ng torture victims ng militar.

Pasado alas-dose na kami nakarating sa location, mga 100 meters na dirt road mula sa highway kasi ang dinaanan namin para makarating sa apat na hektaryang bakanteng lote.

Umpisa pa lang, humingi na ng senyales ‘yung lider ng paranormal group, safe daw ba’ng ipagpatuloy ang aming ghost-hunting?

Pasado alas-dose ng hatinggabi, bigla kaming pinutakti ng mga bubuyog.

Bukod sa aming team at ‘yung paranormal group, may kasama rin kaming dalawang babae na panauhin at ‘yung nanay ng isa sa mga nawawalang tibak na sinasabing tinorture daw sa site.

Wala kaming police o baranggay escort.

Kulang ang aming flashlights at tanglaw sa camera para hawiin ang dilim sa lugar, pero kailangan nang magsimula ang aming shoot kaya pinasok na namin ang matalahib na lote.

Dumiretso ang lider ng paranormal group sa mga hukay na sinasabing pinaglibingan ng ilang mga biktima ng extra-judicial killings. Matapos ang pag-scan sa lugar, kinumpirma nila na marami ang nanonood na kaluluwa sa amin pero wala ni isa sa kanila ang namatay sa lugar na ‘yun.

Pagkatapos, nag-mirror gazing na ang grupo. Tititig ka raw sa salamin para makita ang mga kaluluwang nasa paligid mo. Nung una, hindi siya masyadong bumebenta sa akin, paano, nakakadalawang tao na ang “sumasalang”, wala pa ring pagbabago.

At wala rin akong nakikita, pero unti-unting sumasakit ang tagiliran ko.

Pagkatapos ay inaya ko ang isa sa mga babaeng panauhin namin, wala silang koneksyon sa paranormal group at ‘yung inaya ko eh hindi naniniwala sa mga multo.

Matapos ang halos tatlong minutong nakatitig sa salamin, biglang hinimatay ‘yung babaeng hindi naniniwala sa multo.

Medyo pinagtatawanan pa nga namin nung una kasi parang bastos ‘yung tunog nung ungol niya (green-minded kami ng crew ko), tapos bigla siyang nagsisisigaw.

Two words: “Bakit? ” “Masakit!

Paulit-ulit lang, hanggang sa umiyak na siya nung tinatanong kung sino siya… tinatanong din niya kung ano’ng nangyayari at bakit hindi na niya maramdaman ‘yung kamay niya.

Halos limang minutong ganun ang ikot ng usapan, naging listo ang paranormal group at “tinanggal” na ang “sanib” sa katawan ng panauhin namin. Nang mahimasmasan ‘yung babae, wala siyang ibang matandaan kungdi may parang mukha raw siyang nakita sa salamin, pero blurred, tapos bumigat na ang kanyang ulo at sumakit ang tiyan, tapos, wala na.

Nag-interview pa ako, sabi naman nung paranormal expert, ‘yung sumanib daw sa kasama namin eh binugbog sa tiyan at pinitpit ng armalite ang kamay kaya wala raw siyang maramdaman kasi natanggal na raw ito.

Marami pa sana akong tanong pero pinatigil na ng ibang mga kasapi ng grupo ang aming shoot.

Kailangan na raw umalis kasi “delikado.” Sa ibang lugar na lang daw namin gawin ang interview.

Hindi na ako kumontra. Dali-dali kaming bumalik sa pinagparkingan ng van, which was around 1 kilometer away sa gravesite.

Ewan kung ako lang, pero habang naglalakad, alam niyo ‘yung feeling sa horror movies?

‘Yung kapag nasa gubat ka at lumalakas ang kaluskos ng mga dahon at parang me sama-samang bulungan kang naririnig? Ganun ang pakiramdam ko at nakadagdag pa ‘yung biglaang paglamig ng hangin sa paligid.

Sa parking area, ilan lang kaming nagtulos ng kandila. ‘Yung ibang miyembro ng paranormal group nakabantay sa paligid namin. Kasama ng lider nila ‘yung babaeng panauhin namin.

Narinig kong sumara ang pinto ng van, nagtalo pa ang aming panauhin at ‘yung lider ng grupo kung paano nangyari ‘yun eh wala namang tao na nagsasara nung pinto.

Habang nagdarasal, me sumusundot na imahe ng isang matandang lalaki na kulot ang buhok at may bigote, naka-long sleeves na blue at pantalon na maong at may dalang itak. Lumalapit daw sa amin.

Iniisip ko na lang, imagination ko lang ‘yun.

Nauna sa convoy ng tatlong sasakyan ang aming van. Tahimik ang lahat habang binabagtas namin ang matalahib na dirt road. Pag-menor namin sa may highway, sa may waiting shed sa bandang kaliwa, may lalaking naka-long sleeves, cap at nakatakip ang mukha na nakakubli sa me poste.

Nakatingin lang siya sa sasakyan namin, at nung huminto kami sa harap niya para lumiko, bigla siyang nagtago sa likod ng poste. Alas-dos ng madaling araw iyon.

Dire-diretso ang takbo ng sasakyan namin. Walang huminto hangga’t nasa sakop kami ng probinsya ng Bataan.

Sa loob ng van, sinabi ng lider ng paranormal group na kung hindi raw kami umalis sa location in 5 minutes, dalawa sa amin ang “matutumba.”

May na-sense daw kasi silang pito hanggang sampung tao na may dalang itak na nagmamanman sa amin. Kinumpirma naman ng isa sa mga panauhin namin ang sinabi ng paranormal expert. Mainit pa raw kasi ang kaso tungkol sa extra-judicial killings sa lugar na ‘yun at pugad daw ‘yun ng RHB (parang NPA, military version nga lang).

Tapos nagkuwento na ‘yung driver namin, nung may marinig nga raw sila na umiiyak sa me lote (‘yung sinaniban naming kasama), bigla raw may umalog sa van namin. Pagkatapos dun sa isa pang van, tumunog daw ‘yung bukasan ng pinto, buti na lang naka-lock ‘yung mga pintuan nilang lahat.

Sa takot, sa bote na lang daw ng mineral water umihi ‘yung isang kasamahan ng aming mga panauhin na naiwan sa van.

All the while, akala ko, multo ang dapat naming katakutan sa lugar.

Kinuwento ko ang lalaking nasa “imagination” ko, sabi nung lider, tinataboy na raw kami nung mga nakatira rung kaluluwa, sabi naman nung panauhin namin, kahawig daw nun ang description nung lalaking sinunog sa location.

Ayon nga sa mga kasama naming paranormal experts, hindi lang daw sila sa multo trained na makiramdam. Dapat mas alerto raw sila sa “buhay.”

Call it coincidence, pero pati raw ‘yung “sumanib” sa kasama namin, pinapaalis na kami sa lugar kaya hindi nakipag-“cooperate.”

Senyales din daw ‘yung mga bubuyog na naglabasan nung umpisa ng quest namin, hindi naman daw sila nocturnal pero ginugulo nila kami nung hatinggabi.

Ang daling sabihin na ginugoodtime lang kami ng grupong kasama namin. Wala naman kasing nangyaring masama sa amin.

Looking back, sa lahat ng mga nangyari habang kasama namin sila, ‘yung sa unang shoot namin talaga ako natameme.

Gaya nga ng sabi ko kanina:

Paranormal nga eh = walang normal na paliwanag.

Seeing the pros and cons of having paranormal abilities, wala na akong balak magpabukas ng aking third eye.

“Aware” man ako ngayon sa ilang mga hindi maipaliwanag na bagay, hanggang dun na lang ang gusto kong “maramdaman.”

Masyado nang kumplikado ang mundo ko as it is, ayoko nang idagdag sa ikaka-stress ko ang mga bagay na hindi ko naman dapat nakikita.

Mahilig pa rin ako sa mga hula.

Pero hindi ko na hinahangad na makakita pa ng premonition o makabasa ng utak ng tao.

Ok lang sa akin ang mga mumunting sorpresa sa buhay. Ganun naman talaga dapat ang takbo ng araw natin di ba?

Parang normal lang.

Mga Puna»

1. miss choi - Nobyembre 5, 2008

Nagegets ko yang bumibigat ang ulo. Yan ang unang pakiramdam talaga pag nandyan sila for some reason.

Pero true, mas creepy ang buhay.

2. Jon Cabron - Nobyembre 5, 2008

astig! parang bigla kong hinangad na makakwentuhan ka sa harap ng malamig na beer..

Jon Cabrons last blog post..wasak

3. badoodles - Nobyembre 5, 2008

napanood ko nga yan. ung babaeng sumisigaw kasi parang pinapako ung dalawang kamay. pero mas masarap pala marinig ung kwento behind the scenes. doble ingat ka na lang. tandaan mo nag-iisa lang ang lenggai sa mundo, di na pwedeng ipanganak pa.

badoodless last blog post..The Art of Being Funny

4. taps - Nobyembre 6, 2008

mas trip ko yung episode nyo na yun kesa naman dun sa kabila.

Yung stargazer ba yun? Turo ng turo na may multo dito may multdo dun…

Nakakagago lang.

Imbis na matakot ako o kilabutan, nagmukhang comedy yung pinapanood ko.

Para sa akin, kung may abilidad ang isang tao na makarinig, makakita at makakwentuhan ang mga mumu, hindi na dapat ginagawa pang showbiz. Minsan kasi nagbabackfire lang sa kanila ang mga kahindutan na ginagawa nila.

At tama ka, minsan mapapansin mo na ginagago ka na lang ng mga so called gifted dudes.

tapss last blog post..HR/HD

5. badoodles - Nobyembre 6, 2008

maging anak ni luli arroyo? naman mare. kelan mo pa pinangarap maging taong tutubi?

badoodless last blog post..The Art of Being Funny

6. M - Nobyembre 6, 2008

Minsan na ding naging patok yung mga paranormal programs sa lokal na telebisyon. Kahit hindi holloween merong ganun.

Hindi ko na inisip kung minsan kabalbalan lang ba ang mga powers nila, mahilig kasi talaga ako sa mga ganung tipo ng bagay sa mundo.

Epektibo din naman ang mga re-enactment nila minsan, nakakatakot lalo kapag nalaman mo yung background stories.

Palibhasa kasi lumaki din ako sa mga kwento ng matatanda na first hand pa nilang naexperience. Pero kung ako din lang, ayaw kong maranasan na mag-isa lang ako. Siguro dapat dalawa man lang kame para may paghugutan ako ng tapang.

Naalala ko bigla yung Antipolo Massacre dun sa description nyo ng lalakeng may itak.

7. Lhay - Nobyembre 10, 2008

lakas ng kabog ng dibdib ko habang binabasa ko ito, feeling ko kasi nandun din ako mismo sa location, grabeh naman, so exciting talaga ng work mu…gusto ko rin ng ganyan..


Mag-iwan ng tugon sa taps Pindutin ito para bawiin ang tugon.