jump to navigation

39 degrees Enero 13, 2009

Posted by Lenggai in Barag-baragan, Featuring: Ako!.
trackback

Hindi ko alam kung anong meron sa akin at gusto ko ang pakiramdam ng nilalagnat.

40 degrees ako kanina, bumaba na sa 39.

Nagsimula ‘to sa coverage namin.

Long drive.

Onse oras ang biyahe papuntang Bicol kahapon, at dun lang ako nakakuha ng matinong tulog.

Papunta naman kami ng Quezon nung gabi pero puro nakaw na ang idlip ko.

Sobrang gentleman kasi ng isang kasama namin at siya ang nagsolo sa bakanteng upuan sa likod. Dun siya nahiga, habang nagsisiksikan kami ng isa ko pang kasama. Hindi kumportable kahit nakapahilig ang upuan. Buti’t baon ko ‘yung unan ko sa leeg.

Hindi iyon sapat dahil halos buong biyahe, dumadagan sa akin ang dambuhalang tagiliran ng kaopisina ko. Nilunod ko na lang sa mga senting kanta ang inis ko.

Kanina namang umaga, hindi ulit ako makatulog.

Tinapos ko ang script ko sa lobby nung hotel namin. Dun lang kasi may WiFi. At nakikipagchat ako.

Nakaraos ako run sa huli.

Manhid na ang katawan ko sa lamig ng hangin sa labas nung naligo ako. Hindi ko ininda kasi tanghali na, kailangan na naming umalis. At ayoko ng pakiramdam ng hindi naliligo.

Bumiyahe ulit kami papunta sa isang bayan ng Quezon. Two hours pero hindi na naman ako nakatulog.

Hinahabol na ako ng trabaho.

Hindi ako nagtangahalian.

Nabusog ang crew ko sa Bulalo. Nabusog naman ang utak ko sa iba’t ibang paraan kung paano ko bubuhayin ang naghihingalo ko nang istorya.

Bundat ang utak ko sa puyat, pero gutom pa rin ang script ko. Ilang oras matapos kong ipasa ‘yun sa boss ko, pinabalik niya at pinapalitan sa akin.

Alas singko? Alas sais ng hapon ko na natapos.

Humahampas ang hangin sa labas. Malamig. Pinatay namin ang aircon sa loob ng van.

Saka lang bahagyang napayapa ang utak ko.

Naidlip na naman ako. At nagising sa bigat ng kasama ko. Isa ito sa mga oras na ayokong me katawan ng lalaking dumadampi sa akin.

Alas-nuwebe pasado, nakarating na ako sa bahay.

Inaapoy ng lagnat.

Walang gamot sa medicine box. Puro Diatabs at ‘yung pang-high blood.

Nararamdaman ko ang unti-unting pananakit ng katawan ko… at pangmamanhid ng ulo ko.

Hindi na ako nagugutom, pero kumain ako para lang magkalaman ang tiyan ko.

Mainit ng buong katawan ko, pero napakalamig ng paa ko.

Nakatitig ako sa aking laptop… sinisipat ang mga pangalang nakalista sa screen.

Gusto kong makipag-usap pero ayokong magsalita.

Lumuluha ang mga mata ko. Mahapdi. Pumikit ako. Tumingin ako sa salamin. Namumula ang buong mukha ko.

Naalala ko ‘yung sabi ng boss ko sa akin noon: Gutom ako, pero wala akong kine-crave.

Ganun ang pakiramdam ko ngayon.

Kailangan ko nang magpahinga, pero kailangan ko ring pagurin ang sarili ko. Pagod na pagod.

Hanggang sa mawalan na ng lakas tumakbo ang utak kong taranta.

Mga Puna»

1. Pilar - Enero 14, 2009

naku masamang pangitain yan… kailangan mong magpahinga ate lenggai… kahit sandali lang… tapos balik ka na ulit sa work…😦

Pilars last blog post..ST. LUKE’S EXPERIENCE

2. dompy - Enero 14, 2009

mare, ang katawan natin ay may limitasyon. hinay-hinay lang. kung kelangan ka ng trabaho mo, mas kelangan ka ng katawan mo ngayon. gets?

mag-leave ka muna kaya?

3. kotsengkuba - Enero 25, 2009

nung bata ako, pag ganyang inaapoy ng lagnat, nagpapabili ako kay nanay ng ri-chee. yung milk-flavored snack at pag nakain ko na yun, milagrong mawawala ang lagnat ko. hahaha, ingat lenggai.

kotsengkubas last blog post..Litratong Pinoy 0904 » Kahel (Orange)


Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Palitan )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Palitan )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Palitan )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Palitan )

Connecting to %s

%d bloggers like this: