jump to navigation

Si A. Pebrero 20, 2009

Posted by Lenggai in Lipad-isip, Me&my alter-ego.
trackback

Larawan siya ng katamtaman: hindi maitim, hindi maputi, hindi mataba, hindi rin naman payat.

Matangkad din siya, mga 5’11”.

Siya ‘yung tipo na hindi pansinin, pero kapag tinitigan mo, unti-unting gumaguwapo.

Semi-kal siya kaya puwede mong sabihin na may pagka-bad boy ang kanyang image. Casual kung pumorma, pero hindi naman basta-basta, may dating kumbaga.

Nagkita kami sa running clinic.

First time namin pareho kaya magkasama kami sa grupo ng mga tina-time trial.

Hindi ko siya napansin nung una kasi naka-focus ang atensyon ko sa four laps na kailangang takbuhin… hindi na ako sanay tumakbo… hindi na nga ako sanay mag-ehersisyo.

Nakaka-1/4 pa lang ako sa oval, bumibigat na ang dibdib ko at napapalakad na lang ako.

Nung isang beses, muntik na kaming magkabanggaan. Bigla kasi akong lumipat ng lane, nakakasagabal na ako, eh pang-mabibilis lang pala ‘yung tinatakbuhan ko.

“Ay… pu… sorry!!!” Nagulat ako kasi bigla na lang siyang sumulpot sa tabi ko.

Naka-shorts siya na itim, tapos t-shirt na itim din — Nike… may nakakabit na earphones sa tenga niya… nagkadampian kami ng pawisan naming mga braso. Nagkatinginan sandali.

Cute ‘to ah! — naisip ko…

Ngumiti siya ng kanyang pang-artistang ngiti, saka nag-adjust ng earphones at tumango.

Na-conscious tuloy ako.

Napangiti ako ng tipid kong ngiti para kunwari wala lang… medyo nanginig pa ang tuhod ko pagtalikod ko, saka ako naglakad.

Naramdaman ko siyang sumusunod pero pinigilan ko ang sarili kong lumingon… ano ‘to pelikula? Feeling teeny-bopper?

Pero naalala ko bigla ‘yung mata niya… para bang nangingiti na hindi mo malaman, basta, kapag tumingin, parang may ibig sabihin…

Napatakbo na ako… two laps pa.

Madalas kaming magkasalubong sa lane… na hindi naman malayong mangyari dahil hindi naman ako mahirap abutan. Hindi na ako nag-attempt na maging competitive, hindi ko pa kaya.

Nauna siyang natapos sa akin (obviously). Napilitan na akong lagyan ng finesse ang paghingal ko dahil ang pangit ng kumbinasyon ng babaeng hindi kapayatan na nanggigitata na, tapos nakalawit pa ang dila sa pagod…

Pagdating sa finish line, automatic na hinanap ng mata ko ‘yung lalaking cute na naka-all black… nandun siya sa may gilid… halos sa likuran ng coach, nakaupo sa damuhan ng football field… naka-stretch ang mga binti…

Binati niya ako nung tingin niyang malagkit… at bigla akong nagsisi kung bakit hindi ako nag-shorts nung araw na ‘yun.

“Kapagod no?” sabi niya… hindi ko namalayan na sa kanya pala ako dumiretso at hindi sa mga kasama ko…

Napatango lang ako. Halos sumabog ang dibdib ko sa sobrang pagkontrol ng aking hingal…

Three laps daw ulit… tapos one… at natapos na ang time trial.

Next week na raw ulit. Magkakaroon na kami ng grouping base sa resulta ng aming time trial.

Me naramdaman akong katiting na panghihinayang. Tapos napatingin ako sa cute na lalaking naka-all black. Nakatingin din siya sa akin.

Sikretong napatili ako sa kilig sa utak ko.

“Next week nandito ka?” Lumapit siya sa akin.

Sinadya kong bagalan ang pag-aayos ko sa gamit ko na nakasalampak sa gilid ng bleachers.

“Ahm, hindi ko alam, baka wala… may trabaho ako eh, break ko lang ngayon kaya naisingit ko.” Biglang nag-unahan ang mga posibleng rason na puwede kong iprisinta sa opisina next week… may sore eyes ulit ako… nilalagnat… dina-diarrhea… eh paano kung out of town naman ako?!

Uminom siya ng tubig… habang nakatitig sa akin.

Napaisip tuloy ako kung ano ang espesyal sa get-up ko ngayon at pinagbibigyan yata ako ng kapalaran… tapos na-realize ko… wala.

“So, see you when I see you?”

K. — gusto ko sanang isagot, parang sa text, non-committal.

“Eka, hindi mo man lang ba tatanungin ang number ko?”

Wala sigurong ipinagkaiba kung binuhos niya sa mukha ko ‘yung natitirang tubig sa bote ng mineral water niya… pero umasa pa ako na sa ibang tao… at hindi sa akin nanggaling ang tanong na ‘yun.

Ngumiti ulit siya nung pang-artista niyang ngiti.

Buti na lang at madilim at malabong mahalata niya, pero alam kong namumula ako sa sobrang hiya… troubleshoot na lang… pinanindigan ko na.

“Hindi ko pa alam ang pangalan mo, ako si A.”

Yeah. Right.

“Ako rin…” Napapaling sa kanan ang ulo niya, nagtatanong ang mga mata…

“I mean, tawag din sa akin ng mga tao, A. With the exclamation point ha.”

“Now that’s a start, we have something in common… except for the exclamation point! Haha!” At nagi-ingles pa ang aking katukayo!

Natatawa siya. Gusto ko namang umiyak.

Sandali lang daw. Maghintay lang daw ako at kukunin niya ang cellphone niya sa kotse.

Wow, may kotse!

For a while, sumagi pa sa isip ko kung makikisabay ako palabas, papuntang EDSA, pero under the circumstances, parang nakakahiya naman ‘ata… hindi naman kami close… at may mga kasama ako… at hindi ako makapaniwala na nasabi ko ‘yung sinabi ko… hindi mo man lang ba tatanungin ang number ko? — ‘nak ng tokwa! At kelan pa ako naging ganun ka-assuming? Aggressive?

Mabuti pa siguro umalis na ako, pero wala akong dalang kotse, lalakarin ko lang ‘yung mula sa oval hanggang sa main gate kasama ‘yung mga ka-opisina ko… at parang mas nakakahiya yata kung dun pa kami magkasalubong? Eh kaso paano kung hindi siya bumalik? Parang mas nakakahiya naman yata ‘yun! Sayang, gusto ko pa man ding karirin ‘tong running shitnitz na ‘to, tapos dahil lang sa isang spur of the moment hirit eh ititigil ko? Kasi naman, hindi ko naman talaga nature ‘yung maging ganito, pramis, first time ko lang ginawa ‘yung ganito, nakakahiya…

“Hi, A!, kunin ko na number mo…”

Bumalik na siya. Si A.

Ambilis naman niya!

Nakapagpalit na siya ng T-Shirt.. color light blue na Nike. Aba’y hindi niya favorite ang Nike…

Tapos may naamoy pa akong konting pabango… deym!

Weakness ko pa man din ‘yung mga lalaking mabango… cute na siya, mabango pa, kumusta naman ang aking “heart”?

Sandaling nablangko ang utak ko.

Nangingiti na naman siya… nakabitin ang kamay sa ere habang hawak ang kanyang iPhone… naghihintay.

“Ahm… 0917…”

Nauutal ako pero naibigay ko rin ang number ko.

“O, imi-miss call kita ha, save mo number ko…”

Kinuha ko ang cellphone ko.

At naghintay.

Tumunog ‘yung ringtone ko… tiningnan ko ang aking cellphone… eka, ba’t parang me weird?

“O, huwag mong sasagutin ah!”

Nanunukso ang tono ng boses ni A., pati ang kislap sa kanyang mga mata…

Halos sumisigaw na ang cellphone ko.

Shit… kilala ko na ‘yung kanta na ‘yun…

Napabalikwas ako.

Pinindot ko ang aking cellphone — Snooze? Turn off?

Pinili ko ang snooze.

Kahit five minutes lang o… kaso, kahit anong pilit ko, hindi ko na ulit nakita si A.

Mga Puna»

1. ayen - Pebrero 20, 2009

aaawwww! parang may eksena din akong ganyan.. pero boses ng mga kapitbahay namin ang gumising sa ken.. kabwisit no? =)

ayens last blog post..trip to baguio

2. Basti - Pebrero 20, 2009

wow! ang galing naman, nadala ako du’n ah kahit mejo babagsak na mga mata ko sa antok, di ko mabitiwan hanggang matapos. Sana may ganyan akong kakayahan at likot ng imahinasyon sa pagsusulat.
Isa ‘tong post na ‘to sa pinakamagandang nabasa ko lately. *two thumbs up!*

Bastis last blog post..Love : The Freeware From God

3. dompy - Pebrero 20, 2009

isa lang ang masasabi ko… adik! hahahaha!

dompys last blog post..Mga batang ‘to…

4. galadriel - Pebrero 22, 2009

i am so freakin gullible. muntik mo na akong napaniwala! as in!

wish it were true for you. but darned, it was still a good story anyway. 😀

5. potsquared - Pebrero 24, 2009

shet nakarelate ako… pero hindi yung lalake ang tinutukoy ko ah.. yung sa ringtone na sinasabi mo… damn!

potsquareds last blog post..u can dance…


Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Palitan )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Palitan )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Palitan )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Palitan )

Connecting to %s

%d bloggers like this: