jump to navigation

A!(H1N1)F4-R2D2-C2-C3-C5-2NE1 Hulyo 22, 2009

Posted by Lenggai in Boo!, Buhay-bahay.
trackback

Dahan-dahan kong sininop ang bola-bolang mga tissue na nakatumpok sa tagiliran ko.

Pampitong rolyo ko na ‘yan simula kahapon.

Naisinga ko na ang utak ko’t naiubo ang puso ko… pero Lord, ba’t ayaw pa ring matapos ng penitensya ko?

Tingin ko’y makakapag-kyawkyawan na kami ng mga aso ko sa lalim ng kahol ko… ilang kapsula’t tableta pa ba ang kailangang lunukin para matanggal ‘tong kating minu-minutong kumakapit sa baga ko?

Ang sakit sa ulo!

Para kang umiire sa lalamunan — umiire habang pinupukpok sa sentido’t binabayo sa dibdib.

Kung tutuusin, ngayon na siguro ang pinakamagandang panahon para makipag-S.O.P. ako… sakto lang ang pagka-husky ng boses ko eh.

Parang Vernie Varga na may kurot ni Sarah Geronimo.

Nai-imagine niyo ba?

Ako rin, hinde.

Ilang beses na kasing nagpapa-ulit-ulit ‘yung mga patalastas ni Sarah sa TV.

Animo’y kinukutya  niya ang kalagayan ng kalusugan ko sa pamamagitan ng kanyang computer-enhanced na buhok at mala-xylophone na boses.

Para bang nagsasalita na nga lang siya eh kumakanta pa rin?

Minamalat din kaya siya kapag me ubo?

Nangongongo kapag me sipon?

Para kasing siya ‘yung tipo na kahit me goiter, tunog birhen pa rin.

Unlike me.

Pinisil-pisil ko ang leeg ko. Pati ‘yung mga bahagi sa palibot ng double chin ko… masakit.

Sinubukan ko ulit na mahiga.

Parang boteng walang takip ang ulo ko’t lotion naman ang sipon ko… kung saan ako nakahilig, dun din naiipon ang laman ng sinus ko.

Buong puwersa kong ipinakita ang pagtutol ko sa sapilitang pagbabara ng aking ilong — kada singa ko nga’y inaalala ko kung utak na ba’t hindi sipon ‘yung lumalabas dito?

Kahapon ko pa rin nililimliman ang mga unan ko dahil sa lagnat.

Napilitan lang akong tumayo’t maligo dahil paparating ang unang batch ng mga kamag-anak ko galing Norway.

Medyo umaliwalas ang pakiramdam ko, salamat sa maligamgam na tubig.

‘Yun nga lang, naka-slow mo ang paligid lalo na nung dumating na sa bahay ‘yung Tita at mga pinsan kong mala-modelo.

“Heeeeeeelllllloooooooo Tiiiiiiitttttttaaaaa!!! Hiiiiiiiiiiiyaaaaaaahhhh Jjooooonnnnaaattthhhaannn, Chloooooeeee yooooouuuuu’reee toooo biiiiiiigggg naaaaa!!!”

Siyempre, may uwi silang pasalubong — isa run, Swiss chocolates.

Nung una’y kaya ko pang pigilin ang sarili ko dahil alam kong masama ang tsokolate sa ubo… pero nung isa-isa nang namamaalam ang mga makukulay at mamahaling yaman ng cacao sa bibig ng mga kapatid at magulang ko, alam kong huli na ang lahat oras na manumbalik ang panlasa ko.

Tatlong piraso — kinailangan ko pang suminga para magka-ideya kung ano ang lasa nung mga kinakain ko.

Alam kong masarap at napipikon ako dahil hindi ko manamnam ang lasa nito.

May regalo rin silang mamahaling mga pabango at shower gel… nagbabantang tumulo ang luha ko sa left eye dahil hindi ko man lang masimsim ang halimuyak nila.

Sa pagitan ng pasundut-sundot na mga tawag ng opisina… pagiging mabuting pinsan at pamangkin… at pagiging normal na 28 anyos na may karamdaman… inabot na rin ako sa wakas ng hatinggabi.

Kung sana’y kayang lamunin na lang ng antok ang lahat ng pagdurusa ko.

Pero hindi.

Nananadya talaga ang katawan ko… wish ko lang, umaariba rin ang insomnia ko sa tuwing may editing ako, malamang eh hindi ko na kailangan pang lasunin ang atay ko sa extra joss.

Habang gumuguhit sa katahimikan ng aming mansyon ang nangangalit na protesta ng aking sinus at baga… pakiramdam ko’y kinukuyom ang aking dibdib.

Ayoko nang umubo.

Pero sa bawat paghigop ko ng hangin, dumadaplis ito sa mala-hilaw na puting itlog na plemang nanganganak sa baga ko.

Naalala ko ‘yung chest X-ray effect dun sa cough commercial ni Aga Muhlach. Nananalig na ako sa logic nung commercial na ‘yun at handa akong maniwala na doktor talaga si Aga dahil swak na swak ‘yung sinasabi niya sa isa sa sampung karamdamang bumabagabag sa akin ngayon.

Ang aking lalamunan — makati.

Basa na rin ang punda ng unan na kinakagat-kagat ko… kelangan kong huminga.

Seryoso, sa puntong ito ng buhay ko, hindi ako magtataka kung sa paraang ito ako kukunin ni Lord. Maaga pa ako mamaya pero ayaw akong patulugin ng lintek na sakit ko.

Binuksan ko ulit ang aking laptop.

Habang hinihintay kong maabutan ng antok… o nung naka-kapang skeleton na me bitbit na karit… magba-blog na muna ako.

Mga Puna»

No comments yet — be the first.

Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Palitan )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Palitan )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Palitan )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Palitan )

Connecting to %s

%d bloggers like this: