jump to navigation

Tita Cory Agosto 9, 2009

Posted by Lenggai in Bloggables, Coverage.
Tags: ,
trackback

Mas nakilala ko pa nga siya sa mga pinipre-view kong file video.

Eh ano ba naman kasi ang malay ko noon kay Tita Cory?

Five years old pa lang ako nung EDSA Revolution at birthday party ko pa.

Basta ang naaalala ko, puro dilaw ang kulay ng mga lobo ko.

Bakit kako hindi pink o red?

Ngayon ko lang nalaman, may pagkatibak pala ang Papa ko noon kaya ipinapakita niya ang kanyang paninindigan hanggang sa birthday party ng panganay niya.

Kaya nga nung tinawagan ako ng boss ko noong August 1 para mag-cover, hindi ako masyadong enthusiastic nung una.

Eh kauuwi ko lang ng bahay galing coverage sa Bacolod. Magpapahinga na sana ako kasi medyo masama rin ang pakiramdam ko.

Pangalawa, hindi nga kami ganun ka-close ni Tita Cory.

Tita Cory — ba’t ba nakiki-Tita ako, eh ni hindi naman kami magkamag-anak?

OK, sa Concepcion, Tarlac din ang probinsya ng Lolo ko, pero napakalayo ng apelyidong Perez sa Aquino o Cojuangco.

Buti na lang at nanaig ang aking pagmamahal sa sinumpaang tungkulin (OK, wala naman talagang panunumpang naganap, pero parang ganun na rin ‘yung kalakaran sa amin).

Nagawa ko ring pumiga ng sapat na dami ng adrenaline para magbihis at bumiyahe papuntang opisina.

Halos isang oras na hintayan ang sumalubong sa aking pangangarag… at sa wakas, tumungo na kami sa burol.

Nakakairita sa loob ng van papuntang La Salle, Greenhills. Mainit na tapos parang balak pang durugin nung katabi kong lalaki ‘yung boobs ko sa kakasiksik sa tabi ko.

Biruin niyo, lima kami sa isang hilera ng  upuan. ‘Yung isa pa sa katabi namin, ang katumbas eh dalawang tao (mahal kita, friend! OK, isa’t kalahati naman ako).

Kung anong init sa loob ng sasakyan, ganun naman ang lamig sa labas. Umuulan at kapos ang payong para pagkasyahin kami nina Ma’am Jess at ng sampu sa mga kasama ko.

Pero hindi na ako nagreklamo. Mapalad kami dahil kumpara sa mga taong matiyagang pumila’t nagbabad sa ulan, wala pang ilang minuto’y nakapasok na kami sa venue. Salamat sa aming media pass.

Sa loob ng gym, naghahanda na ang lahat para sa special mass. Unang gabi ng lamay, at kahit balot ng kalungkutan ang paligid, malugod pa ring tinanggap ng pamilya Aquino ang aming team.

Maya-maya, sumama na si Ma’am Jess sa pila.

Nagdalawang-isip pa ako kung susunod, pero inaya niya kami.

Doon, nag-interview pa kami ng ilang mga nakiramay. Lahat sila, may malay na nung namuno si Tita Cory.

Ayan na naman ako sa Tita Cory… pero kahit hindi kami tight, nalungkot pa rin ako nung malaman na wala na siya.

Pramis.

Hindi ko alam pero matapos kong silipin ang mga material naming bakas ng kanyang makulay na buhay… parang “Tita” ang angkop na turing sa kanya.

Maya-maya, ilang hakbang na lang ang layo ko sa mga labi niya… medyo na-conscious pa ako kasi alam kong may mga nakatutok na camera sa amin. Ikaw ba naman ang maging kasunod ni Ma’am Jess sa pila eh hindi ka matutukan ng camera?

Turn ko na.

Wala pang sampung segundo nang sumilip ako. Iba ang aking inaasahan. Malayo ang mukha ng dating Presidente sa iniisip ko. Nasanay na siguro ako sa sangkatutak ng litrato at video na nakita ko tungkol sa kanya. ‘Yung hitsura niya sa personal — peaceful, pero iba.

Sinabi ko rin ito sa mga ka-opisina ko nung tanungin nila ako tungkol sa hitsura ng labi ni Tita Cory:

“Eh baka naman kaya iba ‘yung hitsura kasi hindi siya naka-salamin?” pamimilosopo ng matalino kong editor.

Sa totoo lang, hindi ko na masyadong matandaan ang mga detalye. Gusto ko pa sanang pumila ulit pagkatapos ng trabaho para manamnam sa huling pagkakataon ang mga detalye.

Pero natapos ang coverage.

Nag-picture-taking ang staff. Pang-Facebook, ika nga ni Ma’am Jess.

Nagdalawang-isip pa ako kung babalik ulit ako sa pila. Gusto kong baunin ang bawat detalye ng kanyang huling damit. Gusto kong magdasal ng The Lord’s Prayer habang nakahawak sa kabaong niya.

Pero dali-dali nang lumalabas ang aking mga kasama. Nakapaskil sa dingding papuntang labasan ang iba’t ibang mga kabanata sa buhay ni Tita Cory… sinubukan naming kumuha ng litrato. Pero matapos ang dalawang shot, pinagbawalan na kami ng guwardiya.

Paglabas… pilit ko pa ring hinuhugot sa ala-ala ang payapang larawang nakahimlay sa loob ng La Salle, Greenhills.

Naglalaro pa rin sa isipan ko ang posibilidad na bumalik doon kinabukasan.

Pero sa gitna ng basbas ng mga mumunting patak ng ulan, dun ko lang napagtanto… hindi bale nang hindi ko siya ulit makita. ‘Yung mga imaheng naghatid sa amin papalabas ng gym… at ‘yung mga natatandaan ko mula sa paulit-ulit ko nang nape-preview na mga file video… sa ganung paraan ko pala siya mas nais maalala.

Mga Puna»

No comments yet — be the first.

Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Palitan )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Palitan )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Palitan )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Palitan )

Connecting to %s

%d bloggers like this: